“Deserve ko bang maging Iska?”

Iyan ang tanong na paulit-ulit kong naririnig sa ulo ko sa isang buwang pananatili ko sa unibersidad. Marahil hindi lang ako ang nagtatanong ng ganito kaya naman gusto kong ibahagi kung ano ang aking mga nakuhang sagot sa apat na linggo kong pamamalagi at pakikihalubilo sa iba’t ibang uri ng tao, sitwasyon, at mga pagsubok.

Narito ang aking mga natutunan sa nakalipas na isang buwan ko sa UP:


1. Huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa kahit na sino


Totoong pagpasok mo sa klase ay makararamdam ka ng panliliit sa sarili. Minsan mapapatanong ka pa kung bakit ka naroroon kasama ang mga napakatatalinong tao. Lalo na kapag may itinanong ang guro at tila ba ikaw lang ang hindi nakakaunawa at nakakaalam ng isasagot.

Na para bang ikaw ang pinakamangmang sa kanilang lahat.

Pero huwag mong hayaang pangunahan ka ng pakiramdam na iyan. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba dahil may kani-kaniya kayong galing. Marahil ay magaling sila, pero magaling ka din! Matalino ka rin at kaya mo rin kung ano ang ginagawa nila. Hindi nasusukat sa tatas ng pananalita, sa dami ng nalalaman, at pagiging kapareho ng iba ang kakayahan mo.

Ang pinakamahalaga mong dapat bitbitin sa unibersidad na ito ay ang pagtitiwala sa sarili.

Hindi mo kailangan maging katulad nila. Maging totoo ka lang sa sarili mo at magtiwala, makakausad ka, kaibigan.


2. May takdang oras ang lahat ng bagay.


Hindi ba’t nagtitiwala ka na sa iyong sarili? Kung ganoon, huwag kang magmadali.

Hindi mo kailangang pwersahin ang sarili mong maging mahusay kaagad. Ang husay ay hinahasa ng panahon. Nakahabi rito ang karunungan na hindi agad nakakamit, bagkus ay matiyagang iniipon upang lubos na mapakinabangan.

Kapag dumating naman ang mga pagkakataong kailangan mo talagang husayan sa isang gawain, ibigay mo lang ang lahat mong makakaya. Pero wag mong ipipilit kung sagad na sagad ka na. Huwag mong kakalimutan na ang pinakamagandang gantimpala sa paggawa ay hindi ang makukuha mong marka, kundi ang tunay na kaligayahan pagkatapos mong paghirapan ang iyong mga ginawa.

Huwag kang magmadali. Darating din ang iyong panahon.

Sisibol din ang iyong husay gaya ng namumukadkad na bulaklak sa liwanag ng araw, taglay ang samyong hindi maitutumbas sa kahit anumang bulaklak sa halamanan.


3. Ang pagkabigo ay hindi hadlang sa pagtatagumpay


Minsan, kahit ibinigay na natin ang ating buong makakaya,– minsan nga’y humihigit pa– hindi pa rin nagiging sapat. Nabibigo parin tayo.

Pero parte ‘yan ng buhay, kaibigan. Hindi lang dito sa unibersidad, kundi maging sa totoong buhay.

Kung ako ang tatanungin, aaminin kong minsan na rin akong napaluha dahil pakiramdam ko isa akong malaking kabiguan. May mga pagkakataon na hindi ko naipapasa ang mga pagsusulit. May mga sandaling hindi ako ang pinakamataas ang nakukuhang marka sa klase.

Pero hindi ba’t mas maganda na rin iyon?

Ang kabiguan ay isang magandang motibasyon upang pag-igihin pa natin ang ating paggawa. Hindi ito hadlang, kundi ito ay pagsubok lamang na kaya nating lampasan.

Natatandaan ko pang sinabi ko sa isa kong kaibigang napanghihinaan ang loob,

“Sa pagdami ng failures, mas nagiging worth it ang success.


4. Pag-aralang mabuti ang paggamit ng oras


Sa UP ko natutunan ang kahalagahan ng oras. Kapag puro tulog ka lang at social media, kawawa ka. Ikaw rin ang mahihirapan lalo na pag may pa-surprise quiz si prof at hindi ka nakapagbasa.

Dito ko rin unti-unting nakikita kung sino at aling mga bagay ang dapat nasa prayoridad ko. Mawawalan ka ng oras sa mga kaibigan at pamilya.

Pero ayos lang.

Basta natapos mo na ang mga dapat mong gawin, pwede mo na silang kausapin uli.

Tamang paggamit lang ng oras, lakipan ng sipag at tiyaga, magiging magaan ang lahat.


5. Ilagak ang buong pagtitiwala sa Diyos


Tamang paggamit lang ng oras, lakipan ng sipag at tiyaga, magiging magaan ang lahat.

Pero kung ipapasailalim mo ang lahat ng iyan sa buong pusong pananampalataya sa magagawa ng Diyos, masisigurado ko sa iyo na hindi mawawalang kabuluhan ang lahat ng iyong pagsisikap.

Ilang beses ko nang napatunayan ang bisa ng panalangin. Nasanay akong inilalapit sa Ama ang lahat, mapa-simple man o komplekado. Kaya naman kahit lugmok na lugmok ako o kaya’y nakakaramdam na ng pagod, gumagaan lahat dahil alam kong hindi ako nag-iisa.

Mahirapan man ako, mabigo, dumaan sa pagsubok, o kahit pa dumapo sa akin ang malubhang karamdaman, hindi ako natitinag.

Matibay akong nananangan sa pangako ng Diyos na may plano Siya para sa akin, hindi para ako ay mapahamak, kundi para ako ay umunlad at maging matagumpay.

Kaya kung naitatanong mo ito:

“Deserve ko ba maging Iska/ Isko?”

Ang sagot ay OO!

Bakit?

Kasi inilagay ka ng Diyos dito. Pinagkakatiwalaan ka Niya at alam Niyang kaya mo!

Tandaan mong hindi nagkakamali ang Diyos sa pagpili. Narito ka dahil para ka rito.

Walang pag-aalinlangan.

Para sayo ‘to, Iskolar ng Bayan!

Design a site like this with WordPress.com
Get started